Tuesday, April 24, 2012
Paggamit ng Aming Wika
Ako ay may biglang naisip...
Aking naisip na nang simulan ko ang paggawa ng Blog na ito, puro na lamang Ingles ang wikang aking ginagamit.
Nakakatawa ngunit kapag ako ay nagsusulat sa wikang yaon, hindi ako nahihirapan, pawang ang mga salita ay patuloy na dumadaloy sa aking isip at aking naititipa dito sa aking makabagong makinilya.
Ngunit ngayon, ako ay pawang nahihirapan na mag-isip ng mga salitang ititipa at kahit ang aking talasalitaan ay kailangan ko pang isipin ng mabuti. Nakalulungkot sapagkat kahit ang salitang Filipino para sa "grammar" ay akin ng nakalimutan. Hindi ko kasi palagiang ginagamit.
Napapanahon na marahil na ako ay magsulat muli gamit ang aking sariling wika. Oo, hindi ko kalilimutan ang Ingles ngunit hindi ito nangangahulugang ito na lamang ang aking laging gagamitin. Nakalulungkot sapagkat heto ako, nagsasabing minamahal ang aking bansa ngunit pagdating sa aking sariling wika, ako ay nangangapa.
Aking nababatid na ang wikang Filipino ay hindi madaling aralin. Ito ay masalimuot hindi tulad pag Ingles ang ating inaral. Nangangailangan na sa paggamit at pagsasalita ng Filipino, nababatid ng nagsasalita nito ang konteksto ng sinasabi ng isang tao. Ito ay sa kadahilanang maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang taong nag-uusap. Halimbawa, kapag ikaw ay nagtanong ng "nakain ka na ba?" sa iba lalo na sa mga taga Metro Manila, ito ay nangangahulugang ikaw ay kinain o nginuya. Ikaw ay nagmistulang pagkain. Ngunit kung sa Cavite mo iyan gagamitin, ito ay nagtatanong lamang kung ikaw ba ay tapos ng kumain. Masalimuot, diba?
Sa aking palagay, kailangan ko ulit magbasa at mag-aral ng wikang Filipino. Ayoko ng makain ng hindi tamang paniniwala at sistemang kapag Ingles ang ginagamit mo, ikaw ay matalino, ikaw ay mataas na uri ng tao. Na kapag Filipino ang ginagamit mo, ikaw ay hindi maalam at nakakahiya. Maganda at mabulaklak ang wikang Filipino. Kailangan ko lamang itong hasain muli sa aking isipan.
Wikang Filipino, ako ay patawarin mo sapagkat ikaw ay aking napabayaan sa aking isipan. Na ako ay nahihiya sapagkat ikaw ay aking ikinahiya. Ako ay patawarin mo nang hindi kita minahal at pinahalagahan ng nararapat. Ito ay dala marahil ng kabatirang dahil ikaw naman ay aking laging ginagamit sa pakikipag-usap kahalo ang Ingles kaya naging Taglish, hindi na kailangang ikaw ay akin pang aralin at gamitin sa aking sining na nagagawa.
Patawarin mo ako at ng Poong Maykapal sa aking pambabalewala aking sariling pinagmulan at wikang nakagisnan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment